Alam namin na sa isip ninyo, kaming mga forester ay kakampi ng logger. Andito po kami para sabihing napakalayo po niyan sa katotohanan.
Tumutulong po kami sa pagprotekta sa kapaligiran sa pamamagitan ng mga tinatawag naming protection forests. Marami pong forester ang kasama sa pagpapayabong ng ating mga kagubatan para mapigilan ang pagbaha na nakakasira hindi lamang sa ating mga kabuhayan kundi pati na rin sa mga buhay ng tao. Ang forester po ay isang environmental officer. Sinisigurong ligtas ang inyong buhay at mga kabuhayan.
Tumutulong din po kami sa pag-sulong ng kabuhayan ng mga naninirahan malapit sa kagubatan, o sa loob ng kagubatan, sa pamamagitan ng tinatawag naming people-oriented o community-based forestry. Marami pong forester ang nagsisilbi sa napakaraming communities sa ating mga matatarik na lugar. Ang forester po ay isa ring social development officer. Tumutulong sa mga nangangailangan nating kababayan.
At opo, kami po ay katuwang din ng mga forest-based industries. Subalit hindi na po ngayon pinapayagan ang pag-troso sa mga natural forests. Bawal na po yan. Ang amin pong mga tinutulungan ay ang mga nagtatayo ng mga plantasyon para sa ating pangangailangan sa kahoy, sa pagpapatayo ng mga bahay, paggagawa ng mga kasangkapan, at sa iba pang produkto na ginagamit natin sa pang-araw-araw na buhay. Ang forester po ay isa ring plantation development manager. Nagpapatubo ng mga produktong pangkagubatan na kailangan sa ating pag-unlad
At sa mga illegal logger, kami po ang unang kaaway ng mga yan. Kami po ang humuhuli sa kanila, kasama na rin po ang mga illegal na nag-i-extract ng mga produkto sa gubat katulad ng rattan, kawayan, at mga hayup at halamang ilang o wildlife. Kami ang humaharap sa korte laban sa kanila. Ito po ay ginagawa namin para protektahan ang ating mga likas yaman. Ang forester po ay isa ring protection officer at law enforcer. Pinoprotektahan ang ating kalikasan at kalaban ng mga criminal na nagtatangakang sirain ang ating mga kagubatan.
Environmental officer. Social development officer. Plantation development manager. Protection officer and law enforcer. Yan ang Forester.
– Dr. Antonio P. Contreras
Professor, DLSU
Dr. Antonio P. Contreras specializes in political theory and analysis, cultural theory and politics, environmental politics and the politics of everyday and ordinary lives